Saturday, December 5, 2020

#TinTakot (October 31, 2019)


Malalim na ang gabi. Lumalalim na rin ang iyong paghinga. Dinig mo ang langitngit ng binubuksang pinto; lalo naman ang malakas na kalabog ng iyong puso.



Mag-isa ka lang. Ngayon mo gustong pagsisihan kung bakit hindi ka kumuha ng kwartong pangdalawahan. Naririnig mo ang mga yabag...papalapit...sa kama...kung saan mismong naroroon ka.



Unti-unti kang umusal ng dasal. Mahigpit mong pinagdaop ang iyong mga palad, na para bang hindi mo pa nagagawa sa tanang buhay mo. Walang tanglaw ang sulok ng iyong silid. Pasimple kang humiling ng himala...na sana magka-ilaw. Kung paano? Ewan. Basta lang para naman maibsan ang takot mo kahit konti.



Nakatalukbong ka ng kumot. Nakikiramdam ka sa mga mabibigat na hakbang na kaytagal yatang dumating. Sa iyong isip, nakaguhit na ang kahindik-hindik mong katawan na dadatnan na lang kinabukasan.



Walang anu-ano'y huminto ang mga yabag. Wari mo'y tumigil ang mga paa, sa mismong paanan mo pa. Nilakasan mo ang iyong mga dasal. Mahabag sana ang Panginoon sa tulad mong makasalanan.



Pasimpleng hinawi ng kung sino mang kamay ang kumot. Pakiramdam mo'y humiwalay na yata ang kaluluwa mula sa iyong pisikal na katawan. Nakapikit ka. Wala kang nais malaman ang itsura. Biglang hinila ng malamig na kamay ang iyong mga braso. Ika'y napaupo. Patuloy ka pa rin sa pagdadasal. Humalakhak ang demonyo.



"Gelsano," ang wika. Teka, ang boses...pamilyar. Sino kaya ito? Minulat mo ang iyong mga mata. Madilim man ay pinilit mong inaninag kung sino ba ang nananakot sa iyo.



Napasigaw ka na lang sa pinagsama-samang gulat, mangha at sindak. Ngumiti ang propesor na ayaw mong pangalanan. Sa noo nito'y nakaimprenta ang numerong singko.



Wakas

No comments:

Post a Comment

Letters to L (Jan. 3, 2020)