Ang sabi mo gusto mong magbilad sa araw, kaya hinila ko ang mga araw ng kalendaryo para Abril na—para tag-araw na. Para magawa mo ang gusto mo at magawa ko rin 'yun na kasama ka.
'Yun ang sabi mo 'di ba? Pero 'di mo naman sinabi. Hindi mo sinabing saglit lang ang iyong paglabas. Na ayaw mo palang matusta. Na ayaw mong maihaw. Sa ilalim ng araw, ayaw mong mangitim nang sobra ang iyong balat at kamuhian mo ito pagdating ng araw. Pumasok ka ulit sa loob, iniwan mo akong pawisan, amoy-araw at naggagalaiti sa hindi mo pagtupad sa napag-usapan. Pero ako naman kasi si tanga, gustong tuparin ang iyong kahilingan.
Kaya nu'ng sabihin mong gusto mong maglaro sa ulan, hinila ko ulit ang mga araw ng kalendaryo para Hunyo na—para tag-ulan na. Handa na ang payong, ang kapote. Iniisip ko na rin ang mga matatamis na imahe sa aking isipan. Handa na ang tuwalya kung tayo'y hapo na sa paghaharutan sa ulan. Ang kulang na nga lang ay handa ka na ba? Sabik akong magawa ang gusto mo at makagawa ko rin 'yun na kasama ka.
Ngunit 'di ka man lang nagpasabi. Hindi mo sinabing ayaw mo palang maligo nang tuluyan; gusto mo lang magtampisaw hanggang matapos ang araw at mamaalam ito sa dilim. Hindi ka masyadong nagpabasa, kumpara sa akin na nagpatianod sa buhos ng mga luha ng langit, at iniwan mo ulit akong nagngingitngit, nagagalit ang damdaming dati ay kasing-dalisay ng umaga. Maaga pa, pero huli na yata para magmahalan tayong magkasalungat na dalawa. Inangat ko ang palad para dumapo ito sa walang kamalay-malay mong mukha, pero hindi ko nagawa.
Hindi ko magawa.
Dahil unang-una, hindi ko klinaro sa'yo ano ba talaga ang gusto mong gawin sa tag-ulan at tag-araw. Pero kasalanan mo rin, hindi mo klinaro kung anong estado mayroon tayo.
Pangalawa, hindi ako nagtanong kung sino ba talaga ang gusto mong makasama sa tag-ulan at tag-araw. Ako ba at ikaw? Pero kasalanan mo rin kasi, bakit mo sinabi sa akin gayong iba pala ang dinidikta ng baliw mong damdamin?
Pangatlo, ako lang naman ang nagpapatakbo sa relasyong 'to. Umaraw man o umulan, alam kong hindi ka sa akin nakalaan. Pero kasalanan mo rin gago. Bakit ka nanatili? Bakit ka nagpumilit gayong labag sa kalooban mo at puri? Ngayong bukang-liwayway na, saka ka mamamaalam at uuwi sa babaeng maliwanag pa sa araw ang ngiti?
Kakaiba ang petsang 'to. Ang mga araw ng kalendaryo ay hindi ko na hihilahin pa. Hindi ito napapanahon sa tag-araw o tag-ulan; napapagitnaan lamang. Hahayaan ko na lang lumipad nang kusa ang mga araw dahil makikita ko rin, makikita ko ang taong para sa akin; balang araw, ang taong sasamahan ako sa tag-ulan man o tag-araw.
No comments:
Post a Comment