Isang oras na lamang ang itatakbo at magha-hatinggabi na. Bagama't panahon ng Kapaskuhan, hindi magawa ni Ela na maging masaya nang buo. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa niya binubuksan ang portal ng kanilang eskwelahan. Natatakot siya.
Batid ni Ela na sa nakalipas na mga buwan, palakol siya sa eksam. Kung hindi sapat na tutuntong sa eksaktong hinihinging iskor ay sobrang baba naman ang kanyang nakukuha. Nalulula tuloy siya sa mga kaklase na panay tatlong digits ang mga marka. Noong mga nakaraang araw lang ay sabik na inabangan ng mga ito ang pag-a-update ng mga propesor. Naging maingay ang group chat sa kabila't kabilang padala ng mga mensahe ng papuri at pasasalamat.
Tanging si Ela lang yata ang hindi naglakas ng loob na tingnan ang pinagmumulan ng kaguluhan. Naduwag siya. Ikinakatakot niya na madala siya ng matinding emosyon. Nangangamba na hindi kayanin ang pait na hatid ng pagkatalo.
Hindi pa man nagsisimula ang bakasyon, napagpasyahan niya na na sa Bagong Taon siya titingin. Ayos na sana, pero ilang gabi na siyang hindi nakakatulog nang matiwasay. Panibagong dagok kay Ela ang madalas na pangyayaring ito, kung kaya'y minabuti niyang bisitahin ang mga kaibigan noong hayskul. Nakipagkuwentuhan siya. Ngunit sa halip na makatulong ay nadagdagan lamang ang kanyang mga iniisip. Gatong kasi ng mga ito na huwag na raw siyang mag-alala kasi papasa naman siya.
At heto siya ngayon, nagdadalawang-isip: sa Enero o ngayon na ba? Isang mabigat na hininga ang pinakawalan ni Ela.
Kung sa Enero pa, dadaan muna ang marami pang gabi na katulad nito. Kung ngayon, mabibigyang-kasagutan na ang mga katanungang bumabagabag sa kanyang pag-idlip.
Bumalikwas siya ng bangon. Hinarap ang laptop.
Ika nga, "The truth shall set you free." Manlumo man siya sa madadatnang numero, ay nawa'y palayain naman siya nito.
Tinipa niya ang pook-sapot ng pamantasan.
"Bahala na," ang wika sa sarili.
No comments:
Post a Comment