Saturday, December 5, 2020

Ngulila (March 30, 2019)

Tatlong taon na pala ang nakararaan. Masayang ginugunita ni Celso ang mga alaala habang patuloy siyang idinuduyan ng mga ito. Kasalukuyang nakaupo siya sa silyang tumba-tumba sa veranda ng kanilang bahay. Mula sa kinauupuan, natatanaw niya ang mangilan-ngilang bata na naglalaro ng patintero sa kalye. Dati ay dadalawa silang nagmamasid sa tanawin sa labas. Ngayon ay siya na lamang ang naroroon.

"Ang sarap pakinggan ng tawanan nila," ang sasabihin sana ni Rosing kung nandirito pa ito.

"Oo, pawang mga musmos at walang pakialam sa mundo," ang pagsang-ayon niya.

Pagkatapos, sabay silang bubuntong-hininga, magtitinginan at tatawa. Pero nasa isipan na lamang ni Celso ang lahat ng iyon. Tatlong taon na mula nang mamaalam si Rosing. Tatlong taon na rin simula nang magkulong siya sa loob ng bahay at tumangging makipag-usap ninuman. Naging bingi siya sa sermon ng kaniyang mga anak na sa kalaunan ay sumuko na sa tigas ng kaniyang ulo.

"Ayoko na ng patintero, habulan naman tayo," dinig ni Celso.

"Huwag 'yan. Ang bilis n'yong tumakbo i," pagmamaktol ng isang bata.

"O sige, taguan na lang. Geym?"

Tila ang pagtango ng mga paslit ang hudyat ng laro. Kaniya-kaniyang hanap ang mga kasapi ng mapagtataguan. Naalala ni Celso noong minsang nanood sila ni Rosing at may batang pumasok sa kanilang bakod upang doon magtago. Humiling pa ito sa dalawang matanda na huwag ipagsasabi sa iba. Tatlong minuto ang inabot noon ng taya para hanapin ang makulit na kalaro.

"Tingnan mo, Rosing. Walang pinagbago dito," bulong ni Celso, pagkuwa'y inilipat ang tingin sa katabing tumba-tumba kung saan umuupo dati ang maybahay. "Wala, maliban sa wala ka na."

Ngunit sino ang niloloko ni Celso, kung sa bawat sulok ng kanilang tahanan ay may bakas ng namayapa niyang asawa.

Binusog niya ang paningin sa abot ng kaniyang tanaw. Pinakinggan niya ang mga halakhak at hiyaw ng kabataan. Sa kabilang dako ng buhay, hindi siya natutuwang mapaglaruan ng Tadhana.

"Handa na ako."

Ilang sandali pa ay nakapikit na ang kaniyang mga mata.


No comments:

Post a Comment

Letters to L (Jan. 3, 2020)